Linggo, Setyembre 27, 2015

"MAPASAAMIN ANG KAHARIAN MO"

"Mapasaamin ang Kaharian Mo"
Ikalawang kahilingang itinuro ni Cristo
Hinihiling natin ang grasyang, "mamuhay ng wasto"
Sabi nga ni San Agustin, pinagpalang Santo.

Ayon naman sa mabunying Apostol San Pablo: (Roma 6:12)
"Tanging isang may malinis na puso"
ang makapagsasabing,
'Mapasaamin ang Kaharian Mo'"
Kaya ang kanyang aral at mabuting payo
"Ang kasalana'y h'wag pairalin
sa mortal mong katawan, 
Maglinis ng sarili,
sa gawa, salita't isipan."

Noong tayo'y binyagan,
Buhay ng Diyos ay ating tinanggap
Pati ang katangian ng pagiging anak,
Kapatid ni Cristo, Templo ng Espiritu Santo
Ang mismong Buhay ng Banal na Santatlo
Buhay na nananalaytay sa 'ting buong pagkatao

Kaya't sa araw-araw nating pamumuhay
"Mapasaamin ang Kaharian Mo!" ay laging sambitin
Na mamuhay sa 'tin ang Diyos na butihin
Siyayang pinagmumulan ng grasyang kailangan natin

Paglabanan ang tukso, kasalana'y itakwil
Sa 'ting pagkatao, Diyos ay tanggapin
Paghariin ang Diyos sa buhay natin
Kaharian ng Diyos dito pa man sa lupa'y
mararanasan natin

PANALANGIN SA BANAL NA ESPIRITU

O ESPIRITU ng KARUNUNGAN, patnubayan mo ang aming buong pag-iisip, salita at gawa simula sa oras na ito hanggang sa sandali ng aming kamatayan.
O ESPIRITU ng PANG-UNAWA, liwanagan at turuan mo kami.
O ESPIRITU ng PAGPAPAYO, gabayan mo kami sa aming kawalang karanasan.
O ESPIRITU ng KATAPANGAN, palakasin mo kami sa aming kahinaan.
O ESPIRITU ng KAALAMAN, turuan mo kami sa aming kamangmangan.
O ESPIRITU ng KABANALAN, papag-alabin mo kami sa paggawa ng kabutihan.
O ESPIRITU ng PAGKATAKOT, ipagsanggalang mo kami sa kasamaan.

O ESPIRITU ng KAPAYAPAAN, ipagkaloob mo sa amin ang iyong kapayapaan.
O ESPIRITU ng KATOTOHANAN, turuan mo kaming makilala ka ng lubusan.
Masuyong ESPIRITU ng PAG-IBIG, akayin mo kami upang ibigin ka.

ESPIRITUNG BANAL, ipagkaloob mo na kami'y manatili sa paglilingkod sa Diyos, at marapatin mo na kami ay kumilos nang may kabutihan, pagpipigil sa sarili, tiyaga, pag-ibig, galak, kabaitan, kaamuan at katapatan.  Ipahintulot mo na ang makalangit na kabanalan, kahinhinan, pagtitimpi at kalinisan ang siyang maging palamuti ng templong iyong pinili na maging tahanan.  O Espiritu ng kalinisan, sa pamamgitan ng iyong biyaya, ilayo mo ang aming kaluluwa sa pagkakasala.

Aming Ina ng Kaliwanagan, Esposa ng Banal na Espiritu, Ipanalangin mo Kami. (3x Papuri...)

O BANAL NA ESPIRITU na lubhang napakalapit sa amin, subalit 'di halos nakikilala, mapagkalinga, ngunit 'di naaalaala.  Pinasasalamatan ka namin sa lahat ng iyong biyaya.  Sinasamba namin ang iyong kahanga-hangang kapangyarihang lumukob sa amin.  Kami'y nananalig sa iyong mapagmahal na pamamatnubay.  Idagdag mo ang isa pang kaloob na ito.  Ipagkaloob mo ang iyong biyaya na lagi naming maisa-isip ang pananatili mo sa aming puso.  Amen.

TUBIG

Tubig sa katawan ng tao'y pitumpong porsiyento (70%)
Uminom sa araw-araw mula walong (8) baso
Mabuti sa katawan, pagkakasakit ay maiiwasan
Di maipagpapalit sa "softdrinks," ang tubig elemento ng buhay

Tubig na inumi'y tatlong porsiyento (3%) lamang
Dito sa 'ting daigdig na ginagalawan
Tubig ay tipirin at pahalagahan
'Pag ito'y nawala, tayo rin at ang ating kapwa ang mahihirapan

Kauna-unahang milagrong ginawa ni Jesus
Nang sa kasalanan sa Cana, naubusan ng alak
Sa kahilingan ng Mahal na Ina, kahit 'di pa ito oras
Ang tubig ay himalang naging masarap na alak (Juan 2:1-12)

Tubig ay kasangkapang ginamit ng Diyos
Maihatid ang buhay at pag-ibig na lubos
Sa Sacramento ng Binyag, buhay ay napuspos
Buhay na walang hanggan, ito ang kanyang dulot