Linggo, Oktubre 4, 2015

ANG BILANG NA PITO (7) SA ATING BUHAY-PANANAMPALATAYA

Sa Biblia o Banal na Kasulatan, nagsimula sa Aklat na Genesis ("simula") ang Kasaysayan ng:
* PITOng (7) Araw/sa loob ng 7 araw, ang Paglikha ng Diyos sa Sanlibutan at Paglikha sa Tao o sa
   una nating mga magulang (Adan at Eba) at natatapos sa Aklat ng Pahayag ang sunod-sunod na bilang na
* PITO-PITO na mga pangitain (malalim na pananaw)

* PITO (7) ang Pangalan ng mga Arkanghel:
   1.  Michael/Miguel (Daniel 10:12-13; 12:1; Pahayag 12:7)
   2.  Gabriel             (Lucas 1:19; Daniel 8:16.19; 9:21)
   3.  Raphael            (Tobit 8:3; Henock & Esdras 4:1)
   4.  Uriel                 (Book of Henock & Esdras 4:1)
   5.  Sealtiel              (Genesis 22:12) 
   6.  Jhudiel
   7.  Barachiel           (Mga Awit 91:17)

* PITO (7) ang Virtud Teolohical at Virtud Cardinal
   - Virtud Teolohical (Theological Virtues)
      (Maka-Diyos na Katangian o Katangiang Nauukol sa Diyos):
      1.  Pananampalataya (Faith)
      2.  Pag-asa (Hope)
      3.  Pag-ibig (Charity/Love)
   - Virtud Cardinal (Cardinal/Moral Virtues)/(Katangiang Moral):
      4.  Kahinahunan (Prudence)
      5.  Katarungan (Justice)
      6.  Tibay ng Loob/Lakas ng Loob (Fortitude)
      7.  Pagtitimpi/Pagpipigil sa Sarili (Temperance)

* PITO (7) ang Punong Kasalanan na dapat iwasan at paglabanan:
   1.  Kapalaluan (Pride)
   2.  Kasakiman (Avarice)
   3.  Kainggitan/Inggit (Envy)
   4.  Kagalitan/Galit (Anger)
   5.  Kahalayan (Lust/Impurity)
   6.  Katakawan (Gluttony)
   7.  Katamaran (Sloth/Laziness)

* PITO (7) ang Punong Kabanalan, laban sa Punong Kasalanan:
   1.  Kababaang-loob
   2.  Kagandahang-loob
   3.  Kabutihan
   4.  Kahinahunan/Kaamuan
   5.  Kalinisan
   6.  Pagtitimpi at Pagkaawa
   7.  Kasipagan at Pagtitiyaga

* PITO (7) ang mga Sakramento:
   1.  Binyag (Baptism)
   2.  Kumpil (Confirmation)
   3.  Banal na Eukaristiya/Pakikinabang (Holy Eucharist)
   4.  Pakikipagkasundo/Kumpisal (Penance/Reconciliation)
   5.  Banal na Orden/Pagpapari (Holy Order)
   6.  Matrimonyo/Kasal (Matrimony)
   7.  Pagpapahid ng Banal na Langis (Santo Oleo) sa Maysakit (Anointing of the Sick)

* PITO (7) ang Kaloob ng Espiritu Santo:
   1.  Kaalaman
   2.  Karunungan
   3.  Pang-unawa
   4.  Pagpapayo/Pagsangguni
   5.  Kabanalan
   6.  Katatagan/Tibay ng Loob
   7.  (Banal na) Pagkatakot sa Diyos

* PITO (7) ang Kahilingan sa "Ama Namin" o Panalanging itinuro sa atin ng Panginoong Jesucristo:
   1.  "Sambahin ang Ngalan Mo."
   2.  "Mapasaamin ang Kaharian Mo."
   3.  "Sundin ang Loob Mo, dito sa lupa, para nang sa langit."
   4.  "Bigyan mo kami ngayon ng aming kakanin sa araw-araw."
   5.  "Patawarin Mo kami sa aming mga sala, para ng pagpapatawad namin sa nagkakasala sa amin."
   6.  "Huwag Mo kaming ipahintulot sa tukso"
   7.  "Iadya Mo Kami sa lahat ng masama."

* PITO (7) ang mga "Huling Wika ni Jesus":
   1.  "Ama, patawarin mo sila, sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa."  (Lucas 23:24)
   2.  "Ginang, narito ang iyong anak," at "Narito ang iyong Ina."  (Juan 19:26-27)
   3. "Ngayon di'y isasama kita sa Paraiso."  (Lucas 23:43)
   4.  "Diyos ko!  Diyos ko!  Bakit mo ako pinabayaan?"  (Marcoa 15:34)
   5.  "Ako'y nauuhaw."  (Juan 19:28)
   6.  "Naganap na."  (Juan 19:28)
   7.  "Ama, sa mga kamay mo'y ipinagtatagubilin ko ang aking espiritu!".  (Lucas 23:46)

* PITO (7) ang Kawanggawang Pangkatawan:
   1.  Pakainin ang nagugutom
   2.  Painumin ang nauuhaw
   3.  Paramtan ang walang maisuot
   4.  Dalawin ang mga nabibilanggo/Tubusin ang bihag
   5.  Patuluyin ang walang matuluyan
   6.  Dalawin ang maysakit
   7.  Ilibing/Ibaon ang namatay/patay

* PITO (7) ang Kawanggawang Pangkaluluwa:
   1.  Sawayin ang nagkasala
   2.  Aralan ang hindi nakakaalam
   3.  Payuhan ang nangangailangan ng payo
   4.  Aliwin ang nalulumbay
   5.  Dalitain ang mga hirap at karuwahaginan
   6.  Patawarin ang pag-alimura
   7.  Ipanalangin sa Diyos ang mga buhay at mga patay

* Sa pagpapatawad: (Mateo 18:21-22)
   Lumapit noon si Pedro at nagtanong sa kanya, "Panginoon, makailan kong patatawarin ang aking kapatid 
   na paulit-ulit na nagkakasala sa akin?  Makapito po ba?
   Sinagot siya ni Jesus, "Hindi ko sinabing makapito, kundi pitumpong ulit pa nito."

Ang bilang na PITO (7) ay simbolo ng "KAGANAPAN" (plenitude).  Sa bawat bilang na PITO ay IPINADADAMA SA ATIN NG DIYOS ANG KAGANAPAN NG KANYANG PAG-IBIG.  Kung tutuusin ang bilang na PITO (7) ay tumutukoy sa IISA lamang,  ang PAG-IBIG NG DIYOS, at si CRISTO ang KAGANAPAN NG PAGPAPAHAYAG NG PAG-IBIG NG DIYOS SA ATING MGA TAO.

(Ito po ay napalathala sa Opisyal na Lathalain ng Parokya ni San Luis Obispo, "ANG BAKULO" noong mga buwan ng Hunyo, Hulyo at Agosto, 2010)

Linggo, Setyembre 27, 2015

"MAPASAAMIN ANG KAHARIAN MO"

"Mapasaamin ang Kaharian Mo"
Ikalawang kahilingang itinuro ni Cristo
Hinihiling natin ang grasyang, "mamuhay ng wasto"
Sabi nga ni San Agustin, pinagpalang Santo.

Ayon naman sa mabunying Apostol San Pablo: (Roma 6:12)
"Tanging isang may malinis na puso"
ang makapagsasabing,
'Mapasaamin ang Kaharian Mo'"
Kaya ang kanyang aral at mabuting payo
"Ang kasalana'y h'wag pairalin
sa mortal mong katawan, 
Maglinis ng sarili,
sa gawa, salita't isipan."

Noong tayo'y binyagan,
Buhay ng Diyos ay ating tinanggap
Pati ang katangian ng pagiging anak,
Kapatid ni Cristo, Templo ng Espiritu Santo
Ang mismong Buhay ng Banal na Santatlo
Buhay na nananalaytay sa 'ting buong pagkatao

Kaya't sa araw-araw nating pamumuhay
"Mapasaamin ang Kaharian Mo!" ay laging sambitin
Na mamuhay sa 'tin ang Diyos na butihin
Siyayang pinagmumulan ng grasyang kailangan natin

Paglabanan ang tukso, kasalana'y itakwil
Sa 'ting pagkatao, Diyos ay tanggapin
Paghariin ang Diyos sa buhay natin
Kaharian ng Diyos dito pa man sa lupa'y
mararanasan natin

PANALANGIN SA BANAL NA ESPIRITU

O ESPIRITU ng KARUNUNGAN, patnubayan mo ang aming buong pag-iisip, salita at gawa simula sa oras na ito hanggang sa sandali ng aming kamatayan.
O ESPIRITU ng PANG-UNAWA, liwanagan at turuan mo kami.
O ESPIRITU ng PAGPAPAYO, gabayan mo kami sa aming kawalang karanasan.
O ESPIRITU ng KATAPANGAN, palakasin mo kami sa aming kahinaan.
O ESPIRITU ng KAALAMAN, turuan mo kami sa aming kamangmangan.
O ESPIRITU ng KABANALAN, papag-alabin mo kami sa paggawa ng kabutihan.
O ESPIRITU ng PAGKATAKOT, ipagsanggalang mo kami sa kasamaan.

O ESPIRITU ng KAPAYAPAAN, ipagkaloob mo sa amin ang iyong kapayapaan.
O ESPIRITU ng KATOTOHANAN, turuan mo kaming makilala ka ng lubusan.
Masuyong ESPIRITU ng PAG-IBIG, akayin mo kami upang ibigin ka.

ESPIRITUNG BANAL, ipagkaloob mo na kami'y manatili sa paglilingkod sa Diyos, at marapatin mo na kami ay kumilos nang may kabutihan, pagpipigil sa sarili, tiyaga, pag-ibig, galak, kabaitan, kaamuan at katapatan.  Ipahintulot mo na ang makalangit na kabanalan, kahinhinan, pagtitimpi at kalinisan ang siyang maging palamuti ng templong iyong pinili na maging tahanan.  O Espiritu ng kalinisan, sa pamamgitan ng iyong biyaya, ilayo mo ang aming kaluluwa sa pagkakasala.

Aming Ina ng Kaliwanagan, Esposa ng Banal na Espiritu, Ipanalangin mo Kami. (3x Papuri...)

O BANAL NA ESPIRITU na lubhang napakalapit sa amin, subalit 'di halos nakikilala, mapagkalinga, ngunit 'di naaalaala.  Pinasasalamatan ka namin sa lahat ng iyong biyaya.  Sinasamba namin ang iyong kahanga-hangang kapangyarihang lumukob sa amin.  Kami'y nananalig sa iyong mapagmahal na pamamatnubay.  Idagdag mo ang isa pang kaloob na ito.  Ipagkaloob mo ang iyong biyaya na lagi naming maisa-isip ang pananatili mo sa aming puso.  Amen.

TUBIG

Tubig sa katawan ng tao'y pitumpong porsiyento (70%)
Uminom sa araw-araw mula walong (8) baso
Mabuti sa katawan, pagkakasakit ay maiiwasan
Di maipagpapalit sa "softdrinks," ang tubig elemento ng buhay

Tubig na inumi'y tatlong porsiyento (3%) lamang
Dito sa 'ting daigdig na ginagalawan
Tubig ay tipirin at pahalagahan
'Pag ito'y nawala, tayo rin at ang ating kapwa ang mahihirapan

Kauna-unahang milagrong ginawa ni Jesus
Nang sa kasalanan sa Cana, naubusan ng alak
Sa kahilingan ng Mahal na Ina, kahit 'di pa ito oras
Ang tubig ay himalang naging masarap na alak (Juan 2:1-12)

Tubig ay kasangkapang ginamit ng Diyos
Maihatid ang buhay at pag-ibig na lubos
Sa Sacramento ng Binyag, buhay ay napuspos
Buhay na walang hanggan, ito ang kanyang dulot